Pulis na idinadawit sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon, hindi na kinuhanan ng DNA sample ng PNP

Hindi na kinuhanan ng DNA Sample si Police Major Allan de Castro, ang pulis na umano’y kasintahan ng missing beauty queen na si Catherine Camilon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, hindi kasi nila maaaring pwersahin si De Castro, maliban na lamang kung ito mismo ang kusang magsumite ng kanyang DNA Samples.

Una nang kinumpirma ng PNP na nagtugma ang DNA sample na ibinigay ng pamilya ng beauty queen at ang hair strands na nakuha sa inabandonang kulay pulang Honda CRV sa Bauan, Batangas.


Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng blood sample na nakuha rin sa nasabing sasakyan kung ito ay magtutugma rin kay Camilon.

Nagpapatuloy pa kasi aniya ang pagsusuri dito ng PNP Forensic group.

Ani Fajardo, malaki ang maitutulong ng resulta ng DNA test dahil magpapatibay ito sa testimonya ng 2 testigo na nakasaksi na may inilipat umanong duguang babae mula sa Nissan Juke patungo sa naturang pulang CRV.

Facebook Comments