Pulis na nag-viral matapos magpadapa at manutok ng baril sa naka- alitan nito sa trapiko, ni-relieved na sa pwesto

Inalis na sa pwesto ang pulis na nag-viral sa social media matapos masangkot sa road rage nitong Lunes, September 30, 2024.

Ayon kay Philippine National Police Civil Security Group (PNP-CSG) Spokesperson PLtCol. Eudisan Gultiano, ni-relieved na sa pwesto ang pulis at binawi na rin ang kanyang service firearms habang nagpapatuloy ang administrative investigation laban sa nasabing pulis na nakatalaga sa PNP-CSG Stakeholders Assistance Center.

Sa nasabing viral video, makikitang tinutukan nito ng baril at pinadapa ang naka-alitang truck driver sa kahabaan ng NLEX-Mindanao Avenue.


Sinabi ni Gultiano na inaresto ng naka-sibilyang pulis ang truck driver matapos siyang takbuhan nito makaraang mahagip ang kanyang sasakyan at magtamo ng mga gasgas.

Nilinaw pa ni Gultiano na walang nangyaring barilan sa kasagsagan ng insidente at nag-kaaregluhan naman ang dalawa sa Brgy. Ugong Valenzuela.

Samantala, patuloy pang inaalam ng PNP-CSG kung nagkaroon ng pagmamalabis sa isinagawang pag-aresto ng pulis sa truck driver.

Facebook Comments