Kinumpirma ni Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PCol. Jean Fajardo na inalis na muna sa pwesto ang pulis na nagmaneho ng police mobile na nagdulot ng aksidente sa EDSA Busway at ikinasugat ng limang pasahero.
Ito ay habang nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon.
Ayon kay Fajardo, posibleng maharap sa kasong administratibo ang pulis na napag-alamang mula sa National Police Training Institute.
Sa video na isinapubliko ng Inter-Agency Council for Traffic, nabatid na binabagtas ng bus ang EDSA Carousel sa EDSA Santolan southbound nang biglang pumasok ang police mobile na nagresulta para ikabig ng bus driver ang manibela hanggang sa sumalpok ito sa railings ng MRT.
Sugatan sa nasabing insidente ang limang sakay ng bus habang hindi naman nasugatan ang pulis dahil umiwas ang bus driver.
Sa ilalim ng regulasyon sa EDSA Carousel, maaari lamang dumaan ang police vehicle sa Busway kung mayroon itong responde o operasyon.