Pulis na nakabaril sa kapwa pulis sa operasyon sa Pampanga, kinasuhan na; team leader naman na kasama sa operasyon, ni-relieved sa pwesto

PHOTO: Office of the Chief PNP/Facebook

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injury ang isang patrolman matapos aminin na aksidenteng nakalabit ang gatilyo ng kanyang baril na Galil 5.56 rifle (armalite) na ikinasawi ni PSSG Nelson Santiago habang sugatan naman si Police Chief Master Sgt. Eden Accad.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Officer (PIO) Chief Police Colonel Jean Fajardo, kasalukuyan ng naka-detine sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang naturang pulis.

Matatandaang nasawi ang pulis na biktima habang sugatan naman ang isa pa matapos ang ikinasang rescue operations ng mga awtoridad sa Angeles city Pampanga noong Aug. 3, 2024.


Samantala, pansamantalang ni relieved ang team leader at ang buong operational unit na kasama sa isinagawang operasyon sa Angeles city, Pampanga.

Nagsasagawa na rin ng motu propio investigation ang Internal Affairs Service (IAS) ng PNP hinggil dito.

Sinabi pa ni Fajardo na isang araw matapos ang nangyaring operasyon, agad na lumutang ang nasabing operatiba ng PNP AKG at inamin ang kanyang pagkakamali gamit ang kanyang service firearm.

Ayon sa nakabaril na pulis, dinala pa niya ang kabarong pulis sa ospital pero kalaunan ay binawian din ito ng buhay.

Dahil dito, ipinag utos na ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil na isailalim sa review ang operational process ng PNP, kasama na ang hindi pagsusuot ng bullet proof vest ng mga kasama sa operations team.

Facebook Comments