Pulis na Nakapatay at Nakabaril, Sinibak na sa Pwesto!

Santiago City, Isabela – Sinibak na sa pwesto ang isang kasapi ng Santiago City Police Station 2 makaraang nakabaril at nakapatay sa Baggao Cagayan kamakailan.

Ang inalis sa pwesto ay si SPO1 Michael Domingo, 39 anyos, residente ng Ugac Sur, Tuguegarao City.

Ayon kay Police Chief Inspector Reynaldo Maggay, hepe ng Santiago City Police Station 2, sinibak na niya ang kanyang tauhan dahil sa naisampa na ang kasong Homicide at Frustrated Homicide laban kay Michael Domingo.


Magugunita na nabaril ni Domingo sina Mario Cabaro, Leonita Cabaro, Jeffrey Cabaro at nasawi naman si Pepito Agustin.

Una rito, habang nasa Sitio Hot Spring, Baggao, Cagayan si Domingo kasama ang pamilya para sa isang piknik ay nagkaroon ng kaguluhan na umanoy inilublub sa tubig ni Domingo ang isa sa mga biktima.

Dahil dito ay lumapit ang dalawang lalaki kay Domingo at ang isa ay bigla na lamang sinaksak ng tatlong beses sa dibdib ang pulis hanggang sa nagpakawala ng putok ng baril at tinamaan ang apat na biktima.

Isinugod pa sa pagamutan ang naturang pulis maging ang apat na biktima para sa kaukulang lunas subalit ideneklarang dead on arrival si Agustin.

Facebook Comments