Pulis na nakapatay sa binatilyong may kapansanan sa Valenzuela, sinibak na sa serbisyo

Inaprubahan na ni PNP Chief Police Guillermo Eleazar, ang dismissal order ng pulis na bumaril at nakapatay sa binatilyong may kapansanan sa isang police operation noong Mayo sa Valenzuela.

Ayon kay Eleazar, ang pagsibak sa serbisyo ni Police Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, ay batay sa rekomendasyon ng Philippine National Police Internal Affairs Service na i-review ng Discipline, Law and Order Division- Directorate for Personnel and Records Management (DLOD-DPRM) at Office of the Chief PNP.

Si Salcedo ay napatunayang nagkasala ng “grave misconduct and less grave irregularity in the performance of duty” matapos na mapatay nito ang 18 anyos na si Erwin Arnigo habang nagsasagawa ng isang anti-gambling operation sa Valenzuela noong May 28.


Aniya pa nagkaroon ng paglabag sa police operational procedures at hindi dapat inaresto si Arnigo, dahil bilang isang taong may autism spectrum disorder, imposibleng kusang-loob itong nakilahok sa tupada.

Samantala, inaprubahan naman ni Eleazar ang pagbasura sa administratibong kasong grave neglect of duty at less grave neglect of duty laban sa apat na iba pang Valenzuela City police personnel na kasama sa operasyon.

Facebook Comments