Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na tuluyan nang alisin sa serbisyo ang pulis na sangkot sa pagpatay sa menor de edad sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, naisumite na nila sa tanggapan ng Police Regional Office 4-A ang rekomendasyon na sibakin sa serbisyo si Police Corporal Arnulfo Sabillo.
Lumabas kasi sa kanilang imbestigasyon na guilty si Sabillo sa administratibong kaso na 2 counts ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Matatandaang August 20 nang mangyari ang pamamaril ni Sabillo sa biktimang si John Francis Ompad.
Hinahabol kasi noon ng suspek at kasama nitong sibilyan na si Jeffrey Baguio ang kapatid ng biktima na tumakas matapos sitahin habang nakamotorsiklo nang saktong paglabas ng bahay ng biktima ay tinamaan ito sa tyan na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Samantala, maliban sa administratibong kaso, nahaharap din sa kasong homicide at frustrated homicide sina Sabillo at Baguio.