Huli sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang pulis matapos na masangkot sa robbery extortion activities sa Mendoza St. Brgy. Lulomboy, Bucaue, Bulacan nitong weekend.
Sa ulat ni PNP-IMEG Director Brigadier General Ronald Lee, hindi hadlang sa kanila ang kasalukuyang COVID-19 pandemic para hindi mahuli ang police scalawag katulad ni Police Chief Master Sergeant David Gatchalian, na naka-assign sa Bocaue Municipal Police Station.
Aniya, nakatangap sila ng impormasyon na tinatakot ng pulis na ito ang mga drug personalities at nagde-demand ng cash kapalit ng proteksyon sa kanilang illegal activities.
Nang makumpirmang totoo, ikinasa ang operasyon at naaresto si Gatchalian kung saan nakuha sa kaniya ang ₱10,000 na boodle money at isang cellphone.
Sa ngayon nahaharap ang suspek na pulis sa kasong kriminal at administratibo.