Nakapiit na ngayon sa tanggapan ng District Special Operations Unit ng Quezon City Police District (QCPD) sa Kampo Karingal ang isang pulis na nakatalaga bilang Police Security Force sa Kamara matapos na arestuhin ng mga operatiba ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) dahil sa kasong panggagahasa.
Inaresto habang naka-duty sa loob mismo ng compound ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang pulis na sangkot sa kasong rape.
Bitbit ng mga operatiba ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang warrant of arrest laban kay Police Patrolman kemberly Cyd Gela, 32-anyos may-asawa.
Matapos basahan ng Miranda Rights ng kapwa nito mga pulis ay hindi na pumalag at tumalima si Gela.
Batay sa warrant of arrest na inisyu ni Marikina City RTC Presiding Judge Hon. Alice Castañeda Gutierrez na may petsang September 11, 2023, no bail recommended o walang kaukulang piyansa na itinakda ang korte sa pulis dahil sa three counts of rape na kanyang kinakaharap.