Nasa kustodiya na ng Paniqui Police Station ang pulis na namaril sa mag-ina sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac kahapon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi usana na sumuko sa Rosales Police Station sa Pangasinan ang suspek na si Police Staff Master Sergeant Jonel Nuezca.
Isinuko rin niya ang baril na ginamit niya sa pamamaril kina Sonya Gregorio at Frank Anthony Gregorio, gayundin ang kanyang mga bala at PNP ID.
“Nai-turn over na po lahat ng ebidensya papunta ho sa Paniqui galing sa Rosales dahil ‘yung pag-surrender din niyang ‘yon, hindi rin akalain na sa pagtakas niya ay hindi siya mag-iisip kung ano ang magiging kahihinatnan kaya dumiretso po siya sa Rosales at dun na po siya sumurrender po,” ani Usana.
Bukod sa kasong double murder, inihahanda na rin ang kasong administratibo laban sa kanya.
Posible rin siyang agad na masibak sa serbisyo.
“It may lead to the dismissal right away of the police officer bukod pa po dun sa criminal case na kakaharapin niya yung double murder po,” ani Usana.
“Bukod sa dismissal, dahil ang na-offend niya yung agency, we will file an action against erring police officer and he will have to submit himself to the processes of the justice system. At kung sakali mang sila ay magkatawaran, usapin pa rin po ito ng justice must be served,” dagdag pa niya.
Sinasabing kinompronta ni Nuezca ang mga Gregorio matapos na magpaputok ng boga hanggang sa maungkat ang dating alitan ng dalawang pamilya hinggil sa right of way.
Si Nuezca ay isang aktibong pulis na nakatalaga sa Parañaque City Crime Laboratory.