Manila, Philippines – Ipinatatapon na sa labas ng Metro Manila ang pulis na nambugbog sa isang marine engineer sa loob mismo ng Quezon City Police District Station 5 dahil sa away-trapiko.
Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar – tinanggal na muna sa station 5 ang suspek na pulis na si C/ Insp. Melvin Madrona at kasalukuyang nasa kustodiya ng Camp Crame habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Aniya, naipadala na nila sa directorate for investigation ang apat na kasong kriminal laban kay Madrona para magamit sa pagdinig.
Una rito, iginiit ng pulis na sinuntok siya ng biktima matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa trapik kaya’t hinabol niya ito hanggang sa police station.
Ayon naman kay PNP Chief Ronald Dela Rosa – agad na ikukulong ang pulis oras na mailabas ang arrest warrant laban dito.