Arestado ng mga tauhan ng Special Actions Unit ng National Bureau of Investigation ang wanted na pulis na akusado sa pag-torture sa nahuling suspek.
Kinilala ni Atty. Emetrio Donggalo, hepe ng Special Action Unit ang suspek na si PO1 Nonito Binayug, kapatid ng primary suspek na Senior Insp. Joselito Binayug na dating pulis Maynila na una nang naaresto noong 2013.
Ayon kay Donggalo, inaresto si Binayug kaninang umaga sa bisa ng arrest warrant dahil sa kasong paglabag sa RA 9745 o Anti-torture act.
Nahuli si Binayug sa pinagtataguan nito sa Tondo, Maynila. Sa ngayon, hawak na ng NBI ang suspek at nakatakdang ipresenta bukas o sa mga susunod na araw sa media.
Samantala, pinaghahanap naman ng NBI ang iba pang pulis na akusado sa kaso.
Matatandaan na nahuli sa video ang pag-torture ng mga pulis sa suspek na si Darius Evangelista habang nasa loob ng MPD kung saan inalabas ang ari nito at hinila ng ilang ulit gamit ang tali.