Nagpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay ayon sa Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) batay na rin sa datos mula sa PNP Health Service.
201 ang mga nadagdag sa bago nilang kaso kaya umabot sa 19,298 ang kabuuang bilang nito.
Sa nasabing bilang ay 2,133 ang mga aktibong kaso matapos naman madagdagan ng 190 ang bilang ng mga bagong gumaling kaya mayroon nang 17,113 ang total recoveries.
Kinumpirma naman ni ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar na nadagdagan pa ng isa ang nasawi dahil sa COVID-19 sa hanay ng PNP kaya umabot na sa 52 ang mga nasawi dahil sa virus.
Aniya ang huling nasawi ay isang 50 anyos na Police Commissioned Officer na nakatalaga sa Police Regional Office 3 o Central Luzon at namatay nitong Miyerkules, April 21.