Ginawaran ng posthumous award o Medalya ng Kadakilaan si Patrolman Mark Monge.
Si Patrolman Mark Monge ay matatandaang nasawi matapos tambangan ng New People’s Army (NPA) ang mga pulis at sundalong nagsasagawa ng humanitarian activity sa Brgy. Mabuhay, Gandara sa Samar noong Sabado.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr., iginawad sa nasawing pulis ang medalya ng kadakilaan dahil nag-alay o nagsakripisyo ito ng sariling buhay kasunod nang pakikipaglaban sa mga rebeldeng grupo.
Kasabay nito tiniyak ni Danao sa naulilang pamilya ni Patrolman Monge na matatanggap nila ang kaukulang tulong pinansyal at mga benepisyo kabilang na dito ang ₱500,000 mula sa President’s Social Fund, mahigit P900,000 mga benepisyo mula sa PNP, National Police Commission (NPC) at Civil Service Commission (CSC) at P975,000 Insurance pay-out mula sa Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc.
Una na ring nagbigay ng tulong sa naulilang pamilya si Gen. Danao na ₱200, 000 at si Police Regional Office 8 Regional Director Police BGen. Bernard Banac na ₱100,000.
Bukod dito, tatanggap din ang pamilya ng lifetime pension sa PNP at limang taong pensyon mula naman sa NAPOLCOM.