Pulis na pinagkamalang kalaban, nabaril at napatay ng kapwa pulis

REPRESENTATION PHOTO FROM SHUTTERSTOCK

Patay sa pamamaril ang isang pulis sa Titay, Zamboanga Sibugay matapos itong mapagkamalang kalaban ng kapwa niya pulis noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Patrolman Laurence Ancheta, 38 anyos, habang ang biktima naman ay si Police Corporal Jorge Dick Baltazar, 30 anyos.

Batay sa imbestigasyon, inakala raw ni Ancheta na kalaban ang kabarro dahil hindi raw ito nakasuot ng unimporme nang magtungo sa kanilang presinto.

Ayon sa nakapatay na awtoridad, ilang beses daw niyang tinanong si Baltazar kung sino siya pero hindi raw ito sumasagot. Maliban dito, bigla raw bumunot ng baril ang biktima.

Isinugod sa ospital ang pulis dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang balikat at tiyan pero binawian ito ng buhay kinalaunan.

Kaagad naman sumuko si Ancheta na labis ang pagsisisi sa nagawang krimen. Nakatakda siyang sampahan ng kasong homicide.

Facebook Comments