Pulis na pinatay ng kabaro, binaril sa ulo at leeg at pinagsasaksak sa katawan base sa autopsy report

Lumabas sa autopsy report na binaril sa ulo at leeg at nagtamo ng mga saksak sa katawan ang dahilan kung bakit nasawi ang isang pulis na brutal na pinatay ng isang police lieutenant colonel sa loob mismo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kamakailan.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Officer (PNP-PIO) Chief Brigadier General Jean Fajardo, narekober na rin ang hacksaw na pinaniniwalaang ginamit sa pagchop-chop ng katawan ng biktima.

Patuloy naman ang case build-up kung saan pinatay ang biktima dahil base sa paunang impormasyon ay dikit-dikit ang apartments at imposibleng hindi marinig kung mayroong magpaputok ng baril.


Matatandaang sa extrajudicial confession ng suspek, binaril niya ang biktima matapos na maaktuhan itong nasa kalagitnaan ng intimate moment ng kaniyang misis na isa ring pulis sa loob ng kanilang apartment.

Inutusan din umano nito ang kanyang misis na kumuha ng hacksaw at chinop-chop ang katawan ng biktima.

Matapos mailagay sa sako ay dinala ang bangkay nito sa Baguio City at ibinaon sa bakuran ng kanilang tahanan.

Kamakailan, kinasuhan na ang dalawang pulis ng murder at administrative case at posibleng tuluyang matanggal sa serbisyo.

Facebook Comments