Naniniwala si Senator Imee Marcos na posibleng may mga ‘padrino’ o protektor sa loob at labas ng serbisyo ang police sergeant na namaril at nakapatay sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Sinabi pa ni Marcos na hindi rin malayong regular na ‘hitman’ ang suspek na si Staff Sergeant Jonel Montales Nuezca.
Ipinunto ni Marcos na malinaw sa nag-viral na video ng krimen na sanay na sanay mamaril at manakit si Nuezca ng mga tao na parang target practice lang gamit ang kanyang service firearm.
Tinukoy rin ni Marcos base sa police record ni Nuezca ay nasangkot din ito sa dalawang homicide case at iba pang kaso na na-dismiss o nabasura lang.
Ayon kay Marcos, ang malakas na ‘padrino’ at ‘frat system’ ang dahilan kaya nabibigo lang ang pagsisikap ng PNP na iwasan ang mga impluwensya o mga pinapaboran sa recruitment ng pulis.
Kaugnay nito ay iginiit ni Marcos na repasuhin at palakasin ang PNP Reorganization Law para mapahusay ang patakaran sa mga gustong magpulis sa pamamagitan ng Robust, Neuro-Psychiatric, Medical and Dental System program.