Manila, Philippines – Timbog sa ikinasang entrapment operation ng mga elemento ng Quezon City Police District District Special Operations Unit o QCPD-DSOU ang isang traffic police na sinasabing sangkot sa extortion.
Pagkukwento ng complainant na si Samsom Gargaritano, vice president for operation ng HM Transport Inc., naaksidente ang isa sa mga bus unit ng kanilang kumpanya noong madaling araw ng October 24 at inimpound ito sa himpilan ng QCPD.
Nakausap no Gargaritano ang rumespondeng traffic police na si SPO3 Achilles Magat at sinabi umano nito na para mapadali ang pag-release ng kanilang bus unit at lisensya ng bus driver ay magbayad na lamang sa kanya si Gargaritano ng labinglimang libong piso.
Dito na nakipag-usap si Gargaritano sa mga otoridad na sila namang nagkasa ng entrapment operation sa tulong na rin ni Gargaritano.
Gabi ng October 31 ay pumunta si Gargaritano sa opisina ni Magat sa loob mismo ng Camp Karingal para isagawa ang transaksyon.
Pumayag pa si Magat na babaan ang babayaran hanggang sa sampung libong piso.
Kwento ni Gargaritano, binuksan ni Magat ang kanyang desk drawer at ipinalagay sa kanya ang envelope na naglalaman ng pera.
Matapos ang transaksyon ay lumabas na ang dalawa para umano iturnover ang bus unit. Dito na dumating ang mga operatiba ng DSOU at hinuli si Magat.
Mahaharap si Magat sa kasong robbery extortion.