Pinamamadali na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang pagsibak sa serbisyo kay P/Lt. John Kevin Menes matapos sampahan ng patumpatong na kasong administratibo at kriminal.
Ito ay matapos ang pagkalulong nito sa online sabong kung saan, nagawa nitong dispalkuhin ang nasa kalahating milyong pisong operations fund at ibenta pa ang sasakyan ng kaniyang tauhan.
Si Menes na nakatalaga sa Special Operations Unit ng PNP Drug Enforcement Group sa CALABARZON ay nauna nang nabigyan ng parangal dahil sa mga nagawa nito sa kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Carlos, kabilang si Menes sa 7 pang tauhan ng PNP na kinastigo dahil sa pagkakalulong sa online sabong sa kabila ng kaniyang kautusan na nagbabawal sa mga pulis na makilahok sa anumang uri ng sugal.
Matatandaang ipinag-utos ni PNP chief sa lahat ng Police Unit Commanders na inspeksyunin ang cellphone ng kanilang mga tauhan upang malaman kung may naka-install ditong apps ng e-sabong at agad gawan ng karampatang aksyon.