
Sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Pulis na umano’y nanggahasa at nagdala sa biktima na walang malay sa motel sa Maynila noong December 24, 2025.
Ito’y matapos maglabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban sa kanya.
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Atty. Joel Tovera, nakatanggap sila kahapon ng abiso mula sa abogado ni Mendoza hinggil sa planong pagsuko nito.
Kung kaya, agad na sinundo ang pulis sa isang lugar bago ito kusang sumuko.
Gayunman, sinabi ng abogado ni Mendoza na hindi nangangahulugang inaamin ng kanyang kliyente ang akusasyon dahil sa boluntaryo itong sumuko, ginawa lamang aniya ito ni Mendoza para sa kanyang seguridad at dahil may tiwala ito sa NBI.
Handa naman daw si Mendoza na harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Mamayang hapon, ihaharap siya sa korte para sa return of warrant at commitment order.
Matatandaan noong January 13 nang humarap ang biktima nitong si Ana at inilahad sa NAPOLCOM ang umano’y panghahalay sa kanya ng isang pulis ng Manila Police District.
Sa salaysay ni Ana, sumama ito sa pulis na si Joshua Mendoza na kaibigan ng kanyang asawa matapos silang mag-away.
Dinala raw muna ito sa isang kainan saka dumiretso sa isang resto bar sa Tomas Morato, Quezon City.
Hinala ng biktima, may inilagay ang pulis sa kanyang iniinom na alak na dahilan na nablangko ito, ang biktima ay dinala sa isang motel at dito na hinalay ng pulis.










