
Arestado ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang puganteng pulis matapos na iligal na dumaan sa EDSA Carousel Busway.
Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng rush hour sa bahagi ng Main Avenue EDSA Southbound lane kung saan nasita ang suspek matapos na dumaan sa busway.
Nagtangka pa itong tumakas at nagpakilalang pulis para sindakin ang mga awtoridad.
Agad namang humingi ng tulong ang DOTR sa CIDG at nang maberipika ang record ng pulis ay natuklasan na may nakabinbing warrant of arrest ito para sa kasong rape na inilabas noong February 22, 2016.
Nasa kustodiya na ng PNP-CIDG sa Camp Crame ang pulis para sa kaukulang proseso habang kinumpiska naman ng SAICT ang kanyang lisensya.