Sa kabila na patuloy na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), hindi pinalagpas ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group o (PNP-IMEG) ang isang pulis dahil sa paggamit sa motorsiklong nakumpiska ng kanyang team sa anti-drug operation bilang personal na sasakyan.
Kinilala ni PNP-IMEG Director Police Brigadier General Ronald Lee ang tiwaling pulis na si Patrolman Orlando Estrella Perez, 43 anyos, residente ng Calumpang, Marikina City, na naka-assign bilang operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO.
Ayon kay Lee, huli sa akto si Pat. Perez na ginagamit ang Mio motorcycle na pag-aari ng drug suspect na nahuli nila sa Anti-Illegal Drug Operation sa Marikina City noong April 5, 2020.
Paliwanag ni Lee, ang motorsiklo ay dapat na idineklara ng pulis bilang kumpiskadong ebidensya, pero hindi umano ito isinama sa report at halip ay ginawa nitong pagaari.
Sinabi ni Lee na ang ganitong nakasanayan na gawain ng mga tiwaling pulis na pag-gamit ng mga ng mga narekober at impounded na sasakyan ay mahigpit na ipinagbawal ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa.
Tiniyak naman ni Lee na tuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng IMEG laban sa mga tiwaling pulis sa kabila na abala ang PNP sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).