Pulis patay, 3 sugatan nang pagbabarilin sa isang checkpoint sa Sultan Kudarat

2508
PHOTO FROM ESPERANZA LGU

Nasawi ang isang pulis habang sugatan naman ang tatlong kasama niya makaraan silang pagbabarilin sa binabantayang checkpoint sa Esperanza, Sultan Kudarat noong Lunes.

Kinilala ang napatay na operatiba na si Police Executive Master Sergeant Arnold Paclibar.


Tinukoy naman ang mga sugatang biktima na sila Police Staff Sergeant Chato Maycong; Josephine Danggan, isang barangay health worker); at Arnel Saldo, isang barangay tanod.

Pawang mga tauhan ng Esperanza Municipal Police Station ang dalawang pulis.

Ayon sa imbestigasyon, pinatigil ng mga opisyal ang isang dumaang motorsiklo sa checkpoint. Habang nag-iinspeksyon sila ay bigla raw tumalikod ang suspek at pinaulanan ng bala ang mga nagbabantay.

Nagawa pa raw ni Maycong na makipagbarilin sa salarin pero tinamaan ito sa kamay.




Agad naisugod ang apat sa pagamutan, kung saan idineklarang dead on arrival si Paclibar dulot ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Patuloy na tinutugis ng awtoridad ang mga nakatakas na salarin at inaalam ang kanilang motibo sa pamamaril.

Facebook Comments