Pulis, Patay Matapos Sumalpok ang Minamanehong Motorsiklo sa Kotse

25

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang pulis matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa sinusundang kotse sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela noong gabi ng Sabado, July 24, 2021.

Nakilala ang biktima na si Carlo Angelo Gaffud, 29 taong gulang, walang asawa, kasapi ng Cabatuan Police Station at residente ng Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City.


Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, bumabaybay ang biktima sa national highway sakay ng kanyang motorsiklo at sinusundan ang isang kotse na minamaneho naman ni Ronnie Aquino Jr, 23 taong gulang, isang med tech at nakatira naman sa brgy. San Miguel, Luna, Isabela.

Nang makarating ang biktima sa pinangyarihan ng insidente, sinubukan nitong iwasan ang barikada sa ginagawang daan subalit aksidenteng sumalpok ang minamaneho nito sa kanang bahagi ng kotse ni Aquino.

Sumemplang sa kalsada ang biktima at nagtamo ng matinding head injury samantalang tumama naman sa isang nakaparadang traysikel ang motorsiklo nito.

Agad na dinala ng Rescue 922 sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.



Kaugnay nito, nasa himpilan naman ng pulisya ang drayber ng kotse na nahuli ng mga kasapi ng PNP Reina Mercedes matapos tumakas para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments