Pulis, Patay nang Pagbabarilin sakay ng kanyang SUV sa Tuguegarao City

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ang kanyang minamanehong SUV pasado alas-5:50 kanina sa kahabaan ng CSU Road, Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Batay sa inisyal na ulat ng PNP Tuguegarao City, kinilala ang biktima na si PSSg. Aldrin Allam, nasa tamang edad, aktibong miyembro ng pulisya at kasalukuyang nakatalaga sa Lal-lo Police Station at residente ng Cabbo, Peñablanca, Cagayan.

Kasalukuyang minamaneho noon ng biktima ang kanyang sasakyan na may plakang NOS 462 sa silangang direksyon ng dali-daling pinagbabaril ng makailang beses ang sasakyan nito ng mga suspek na nakasakay sa kulay gray na van na agad na tumakas matapos ang insidente.


Dahil dito, nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril ang biktima na dahilan ng kanyang agad na pagkamatay.

Kaagad na pinakilos ang mga kalapit na himpilan ng pulisya para tugisin ang mga suspek na nasa likod ng pamamaril sa biktima.

Inaalam sa ngayon ang motibo sa pamamaril sa biktima at kung may kaugnayan ba ito sa kanyang trabaho bilang pulis.

Facebook Comments