Pulis, pinosasan ang 16-anyos autistic habang inaatake ng epilepsy

FRESNO, California – Labis ang inis ng isang nanay sa grupo ng mga kapulisan dahil imbis na tulungan ang kanyang autistic na anak ay pinalo at pinosasan nila ito habang inaatake ng epilepsy.

Kwento ni Lourdes Ponce, sinumpong ang kanyang 16-anyos na anak na may epilepsy at autism habang nasa loob ito ng banyo sa isang fast food restaurant noong Huwebes, Enero 30.

Aniya, agad silang tumawag sa 911 nang hindi nila mabuksan ang pintuan ng banyo nang biglang may dumating na walong pulis.


Ayon naman kay Montserrat Ramos, kapatid ng biktima, bigla raw pinalo ng mga pulis ang kanyang kapatid.

Sabi niya, “We had explained what his medical problems were, but they didn’t understand.”

Akala raw ng mga pulis ay nakadroga ang binata kaya agad nilang nilagyan ng posas.

Ilang saglit pa ay dinala ng mga ito ang kanyang kapatid sa likod ng sasakyan nila habang nagsisisigaw ito sa takot.

Nakaluhod na raw ang binata sa harap ng mga ito at nagmamakaawang tanggalin ang posas habang siya ay patuloy naman sa pagpapakalma sa kapatid.

Saka lang raw nila pinakawalan ang binata nang ipakita ni Ponce ang mga dokumento na nagpapatunay na may epilepsy ito.

Sabado nang maidala sa ospital ang binata at kalauna’y nakauwi na rin sa kanilang bahay.

Samantala, ayon sa Fresno Police Department, isasailalim nila ang kaso sa Administrative review.

Saad nila, “The review will include the examination of all the information pertaining to the officer’s contact including Body Worn Cameras.”

Nag-iwan naman ng pahayag si Ramos dahil sa maling inasta ng mga alagad ng batas.

Sabi niya, “He is only 16 years old; the only mistake he made was having a seizure.”

Facebook Comments