BAYAMBANG, PANGASINAN – Timbog ang isang pulis, public order and safety officer (POSO) at tanod matapos umanong mangikil ng pera sa mga motorista sa Bayambang-Alcala Border dito sa Pangasinan.
Sa ulat ng Police Regional Office 1, nakuha mula sa pulis ang P150 sa isinagawang entrapment operation na pinaniniwalaang nakuha sa motorista.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya ukol sa pangongolekta ng pera ng mga suspek sa mga dumadaang motorista na hindi nakaka pagpresenta ng vaccine card at iba pang dokumento na kapalit upang makadaan ang mga ito.
Kasama sa mga nahuli si Police Corporal S. Daniel Penuliar, na naka-assigned sa Bayambang MPS, Felomino A. Espejo, miyembro ng POSO at Nestor P Layno Sr. Brgy Tanod.
Na-relieve naman sa puwesto ang hepe ng Bayambang Police Station na si PLTCOL Andres Calaowa sa posibleng lapses ng pangangasiwa nito sa kaniyang nasasakupan.
Ang tatlo ay nasa kustodiya na ng Integrity Monitoring and Enforcement Luzon Field Unit para sa kaukulang disposisyon.
Binalaan naman PBGEN Emmanuel Peralta, PNP Regional Director ang mga pulis sa Region 1 na huwag masasangkot sa katiwalian at huwag gamitin ang ranggo at uniporme sa iligal na gawain.
Kailangan aniya ay maglingkod ng may integridad at disiplina.
Nanindigan din ito na lilinisin at lilitisin nito ang tiwalag o iskalawag na miyembro ng hanay ng pulisya. | ifmnews