Pulis sa Maynila, kinasuhan sa umano’y panggagahasa ng criminology student

4228

Sinampahan ng kaso ang pulis sa Sta. Cruz, Manila na umano’y nanamantala ng isang babaeng criminology student na nag-apply ng internship, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Huwebes.

Kinasuhan ng Manila Police District (MPD) at Women and Children’s Police Desk ng rape at induced abortion ang suspek na kinilalang si Police Capt. Heherson Zambale.


Nangyari ang umano’y panggagahasa noong Marso 7, at kasunod nito, pinilit ng suspek ang biktima na magpalaglag.

Agad namang sinibak ni MPD chief Police Brigadier Gen. Rolando Miranda ang pulis at binawian ng armas habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ayon kay NCRPO chief Major Gen. Debold Sinas, sasampahan din ng kasong administratibo si Zambale dahil sa insidente.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Sinas sa lahat ng hepe ng pulisya at district directors na itigil ang pagtanggap ng on-the-job training request na kailangan na rin dumaan sa Regional Intelligence Division.

Facebook Comments