Pulis sa Northern Samar, sibak matapos gamiting ‘paandar” ang service firearm sa fiesta

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na agad na inalis sa puwesto ang isang pulis sa Lavezares, Northern Samar.

Ito’y matapos mag-viral ang video nito habang ginagamit ang kanyang service firearm bilang “go signal” sa karera ng bangka sa kasagsagan ng fiesta.

Kasama ring nadamay at na-relieve sa puwesto ang hepe ng nasabing pulis.

Batay sa ulat na nakarating sa PNP, ginamit ng pulis ang kanyang baril na inisyu ng gobyerno bilang hudyat sa naturang paligsahan na mariin namang tinuligsa ng Pambansang Pulisya.

Ayon kay Fajardo, malinaw na paglabag sa protocol ang ginawa ng pulis dahil ang service firearm ay para lamang sa mga lehitimong operasyon at hindi para sa seremonya o anumang non-operational activities.

Kasunod nito, nagbabala ang PNP na hindi nila palalampasin ang ganitong gawain at may kaukulang kaparusahan ang sinumang lalabag.

Facebook Comments