Sugatan ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng isang dati ring pulis at kasama nito sa Brgy. Lagasit, San Quintin, Pangasinan, kahapon.
Ang sugatang pulis ay kinilalang si Police Staff Sergeant Gaspar Lucena, na nakatalaga sa 2nd Police Mobile Force Batallion Company sa Tayug, Pangasinan.
Habang ang suspek ay kinilalang si Robert Carbonell, 36 anyos, dismissed sa PNP Service at residente ng Sto. Domingo, Tayug, Pangasinan at isang hindi pa nakikilang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga sa kaniyang farm ang biktima nang sumulpot ang dalawang suspek at pinagbabaril ito.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanyang katawan at agad na isinugod sa Eastern Provincial District Hospital sa Tayug, Pangasinan at ngayon ay patuloy na ginagamot.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang mga suspek pero nang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis, naaresto ang gunman na si Carbonnel sa Brgy. Trenchera at ngayon ay nakakulong na at nahaharap sa kaso.
Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang isang basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril.