Pulis, Suspek sa Panghoholdap sa Isang Gasolinahan; mga Nasa Checkpoint, Muntik nang Sagasaan!

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kamay ng kapwa mga alagad ng batas ang isang pulis na suspek sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Brgy Dangan, Reina Mercedes, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Christopher Danao, hepe ng PNP Reina Mercedes, kinilala niya ang suspek na si PLT. Oliver Tolentino, 37 taong gulang, nakatalaga sa Regional Personnel Holding Area ng PRO2 at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Una rito, dakong alas 7:45 kagabi nang mangyari ang panghoholdap sa gasolinahan na pagmamay-ari ni Michael Etrata, 45 taong gulang, may asawa, residente ng Brgy. Dangan kung saan natangay ng suspek ang tinatayang Php200,000.00.


Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspek kasama ang dalawa pang kalalakihan lulan ang kulay Silver na Toyota Innova patungong Lungsod ng Cauayan.

kaugnay nito, agad namang tinimbrehan ng PNP Reina Mercedes ang PNP Cauayan City upang bantayan ang mga posibleng dadaanan ng mga suspek.

Nang makarating sa PNP Checkpoint sa Lungsod ng Cauayan ang mga suspek ay sinubukang pahintuin ng mga nagbabantay na pulis sa pangunguna ni PCol. Gerald Gamboa, hepe ng PNP Cauayan City subalit imbes na huminto ay nagpaputok ito ng kanyang baril at pinaharurot ang sasakyan.

Dito na nagkaroon ng palitan ng putok at nagkahabulan hanggang sa marekober ang getaway vehicle ng suspek sa harap ng bahay ng nagngangalang Dr. Cadelina pasado alas 12:00 na kaninang madaling araw.

Narekober sa loob ng sasakyan ang isang (1) pistol Caliber 38, mga basyo at bala, mga uniporme ng pulis, pitaka na naglalaman ng mga ID at drivers license.

Kaugnay nito, kusa rin sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek at siya’y nakatakdang sampahan ng patong patong na kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Facebook Comments