Cauayan City, Isabela-Nilinaw ng Tuguegarao City Police Station na walang foul play sa nangyaring insidente ng pagkalunod ng isang 20-anyos na lalaki sa ilog na sakop ng Pinacanauan River nitong nakaraang linggo, May 31.
Kinilala ang nasawing biktima na si Alvin Cabal, 20-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon kay PLT. Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao City, bago pa man mangyari ang insidente ay kumukuha ng mga naanod na kahoy ang biktima gamit ang lubid subalit hindi nito inasahan ang sitwasyon.
Dagdag pa ng opisyal, hirap na ang nasabing biktima na kunin ang isang malaking kahoy kaya’t imbes na mahila niya ito ay siya ang nahila ng kahoy at mapadpad sa pampang ng ilog.
Sinubukan pa umanong iligtas ang biktima ng kanyang mga kasamahan subalit hindi na nila kinaya ang pwersa nito at tuluyan ng mahatak ng nasabing troso ang kanilang kaibigan.
Una nang umani ng samu’t saring komento sa social media ang nangyaring pagkalunod ng biktima dahil sa umano’y may foul play sa insidente.