Nagbigay ng paalala ang La Union Police Provincial Office o LUPPO sa mga mamamasyal sa mga dalampasigan sa probinsya upang mag-ingat at magtulungan na maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod ngayong Semana Santa at mga bakasyon.
Ayon kay Major Lawrence Ganuelas, Information Officer ng LUPPO, inaanyayahan umano nila anh ang lahat ng mga beachgoers na maging maingat sa kanilang paglangoy, lalo na sa mga lugar na may malalakas na alon. Mahalaga umano na maglangoy lamang sa mga designated na lugar at sundin ang mga safety instructions.
Binigyang-diin din ni Ganuelas na ang mga bata ay kailangang magsuot ng life vests at hindi dapat iwanang walang pangangalaga.
Pinaalalahanan niya rin ang mga matatanda na huwag maglangoy habang lasing.
Hinihikayat din ang mga beach resort na maglagay ng mga paalala ukol sa kaligtasan, kabilang na ang mga babala tungkol sa malalakas na agos at biglaang pagbabago ng panahon.
Dapat din, aniya, tiyakin na may mga life jackets, first-aid kits, at iba pang mga kagamitan pangkaligtasan sa mga resort.
Ayon sa rekord, 13 na insidente ng pagkalunod ang naiulat sa lalawigan ngayong taon.
Bilang karagdagang hakbang para sa kaligtasan, pinaigting naman ang mga police patrols sa mga dalampasigan upang mapigilan ang anumang banta, mapanatili ang kaayusan, at agad na makaresponde sa mga emergency.
Upang maiwasan naman umano ang overcrowding, nakipag-ugnayan ang provincial police sa mga lokal na pamahalaan at mga may-ari ng resort upang magpatupad ng mga hakbang sa kontrol ng bilang ng mga tao.
Hinihikayat din ng LUPPO ang mga resort na magpatupad ng advance booking systems at tiyakin ang tamang pagpaparehistro ng mga bisita upang maiwasan ang sobrang kapasidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨