Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng kapulisan na ang sinumang mapatunayang magpapaputok ng baril sa selebrasyon ng bagong taon ay agad na mananagot at posibleng mawalan ng tsapa sa ilalim ng mahigpit na ipinatutupad na One-Strike Policy laban sa indiscriminate firing.
Bilang bahagi ng pinaigting na seguridad ngayong holiday season at sa nalalapit na pagsalubong sa bagong taon, iginiit ng PNP na walang puwang ang reckless o celebratory gunfire, na itinuturing na seryosong paglabag sa tungkulin at banta sa kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan ang lahat ng PNP personnel na pairalin ang pinakamataas na antas ng disiplina at propesyonalismo sa paghawak ng baril.
Anumang paglabag ay hahantong sa agarang administratibong parusa at kasong kriminal, kabilang ang posibleng dismissal sa serbisyo, nang walang babala o ikalawang pagkakataon.
Inatasan din ang mga unit commander na agad kumilos laban sa mga sangkot sa indiscriminate firing.
Ang mga mapapatunayang lumabag ay kaagad na ire-relieve at ilalagay sa preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon.










