Pulong ni Pangulong Duterte bukas sa mga miyembro ng IATF, kanselado

Hindi matutuloy bukas ang nakatakdang pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Davao City.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kasunod nang inaasahan sanang pulong at talumpati ng Pangulo bukas.

Ayon kay Roque, sa Lunes na ang susunod na pulong ng IATF at ito ay gagawin na sa Malakanyang.


Sinabi ni Roque na babalik na ng Metro Manila ang Pangulo sa Lunes dahilan kung bakit na-postpone ang pulong bukas.

Samantala, inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes ang panibagong quarantine protocols sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Dito rin malalaman kung mag Modified General Community Quarantine (MGCQ) na ang National Capital Region (NCR) o mananatili sa General Community Quarantine (GCQ).

Kahapon, una nang sinabi ni Roque na posibleng hindi maka-graduate sa panibagong phase ang Metro Manila dahil sa patuloy parin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Facebook Comments