
Kasado na ang tatlong araw na state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Washington DC, USA bilang tugon sa imbitasyon ng Amerika.
Si Pangulong Marcos ang kauna-unahang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN leader na naimbitahan sa US, sa ilalim ng Trump administration.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs o DFA Secretary Raquel Solano na kaliwa’t kanang pakikipagpulong sa matataas na opisyal ng Amerika ang gagawin ng pangulo mula July 20-22.
Kabilang dito ang bilateral meeting ni Pangulong Marcos kay President Donald Trump, para talakayin ang usaping pang-ekonomiya, depensa, at regional at international issues.
Makakapulong din ng pangulo sina US Secretary of State Marcos Rubio at US Defense Secretary Pete Hegseth.
Ayon kay Solano, gagamitin ng pangulo ang pagbisitang ito, para isulong ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng 20% reciprocal tariff rates ng US sa bansa.
Umaasa ang pamahalaan na makakabuo ng kasunduan ang Pilipinas at Amerika para sa reciprocal tariff trade na magbibenepisyo sa dalawang bansa.









