Manila, Philippines – Mas masaya ang mga lalaking Pilipinong nasa edad 18 hanggang 34 sa kani-kanilang buhay pag-ibig kaysa sa mga babaeng nasa parehong edad.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na mula December 8 hanggang 16, 2017, lumabas na 63 percent ng mga lalaki ang mas masaya sa kanilang buhay pag-ibig kumpara sa 50 porsyento na mga babae.
Lumabas rin na tatlo sa limang Pilipino o 59 porsiyento ang pipiliin ang karera o propesyon habang nasa 41 porsiyento ang mas pabor sa pag-ibig.
Nasa 57 porsiyento rin ang nagsabing “very happy” sila sa kanilang buhay pag-ibig habang nasa 29 porsiyento ang nagsabing maari pang maging mas masaya ang kanilang love life.
Aabot naman sa 14 porsiyento ang nagsabing wala silang love life.
Sa mga may asawa, 71 percent na mga lalaki ang nagsabing very happy sila sa kanilang buhay pag-ibig kumpara sa 62 porsiyento lamang sa mga babae.
Sa mga lalaking walang karelasyon, nasa 45 porsiyento ang nagsasabing masayang masaya sila sa kanilang buhay pag-ibig kumpara sa 28 porsiyento sa mga babaeng may parehong edad.