Natanggap na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang partial supply ng N-88 masks mula sa Medtec, ang nag-iisang local manufacturer na naka base sa Bataan.
Sa tulong ng Philippine International Trading Corporation (PITC), nakabili ang DTI ng 125,000 pieces ng N-88 masks.
Sa nasabing bilang, 70,000 pieces ang naihatid na sa Department of Health (DOH) at DTI Regional Offices at attached agencies.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, ang susunod na batch ng deliveries na 80,000 pieces ay ibibigay sa Philippine Red Cross (PRC).
Ang PRC na ang mamamahagi ng masks sa mahigit 100 Red Cross offices sa buong bansa.
Nangako rin ang Medtec na dodoblehin ang kanilang produksyon sa 400,000 piraso ng mask kada linggo.
Sa bilang na ito, 200,000 piraso ay mapupunta sa Department of Health (DOH), 100,000 sa Red Cross at iba pang government agencies.
Habang, 100,000 piraso ay hahatiin sa mga private retailer para sa distribution sa malalaking botika tulad ng Mercury Drug and Southstar Drug.
Ayon pa sa DTI, sa lingguhang supply ng face masks, makakaasa ang publiko na matutugunan na ang kakapusan ng supply ng N-88 masks sa leading drugstores sa bansa.