Pumalag ang 2 kongresista na tinanggal kahapon sa dalawang pinakamatataas na posisyon sa Kamara

Kahapon ay tinanggal bilang Chairman ng makapangyarihang House Committee on Appropriations si Davao City Rep. Isidro Ungab na pinalitan ni ACT-CIS Rep. Eric Yap habang ang head contingent ng House of Representatives Electoral Tribunal (HReT) na si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ay pinalitan naman ni Kabayan Rep. Ron Salo.

Ayon kay Ungab, tinatanggap niya ang ginagawang pagpapatalsik sa kanya dahil naging malinis ang kanyang konsensya at ginawa lamang niya ang kanyang trabaho.

Sa huli naman aniya ay mananaig ang katotohanan sa likod ng mga nangyayari patungkol sa Speakership.


Naniniwala naman si Leachon na ang pagkakasibak sa kanya sa HReT ay buwelta lamang ng liderato ng Kamara matapos nitong ibunyag ang P6 Billion pork barrel insertions sa 2020 budget kabilang na dito ang P750 Million para sa convention center sa Pili, Camarines Sur kung saan gobernador ang anak ni Deputy Speaker LRay Villafuerte.

Si Ungab naman ang itinuturong nag-report kay Pangulong Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) ng bilyong pisong parking funds sa 2020 para sa mga mambabatas na malapit naman kay Cayetano dahilan kaya hinarang ang proyekto ng mga ito sa distrito.

Facebook Comments