Manila, Philippines – Pumalag si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa artikulo ng Rappler kung saan tampok ang kanyang mga biyahe sa labas ng bansa.
Ayon kay Andanar, totoo na umabot sa 10 foreign trips ang kanyang nagawa mula ng maitalaga bilang miyembro ng gabinete pero hindi aniya nabanggit sa artikulo ng Rappler kung ilan at alin sa mga ito ang sarili niyang gastos at kung ano-ano ang mga sponsored trips o hindi binayaran ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Andanar na handa siyang ilatag ang resulta ng kanyang mga biyahe na binigyang diin nito na mayroong mga positibong benepisyo at lahat ay may kaugnayan sa kanyang mandato bilang kalihim ng PCOO.
Ilan aniya sa resulta ng kanyang mga biyahe ay ang 70 milyong pisong donasyon mula sa China para sa pagpapaganda ng Philippine Broadcasting Service (PBS) bukod pa sa inaasahang dagdag na 150 million pesos na papasok sa PBS.
Mayroon din aniyang libreng emergency broadcasting training para sa government media na kanyang nailatag sa Department of Foreign Affairs and Trade ng Australia na maisasapinal sa susunod na buwan.