Manila, Philippines – Pumalag ang Palasyo ng Malacañang sa pambabastos ng mga mambabatas kay Budget Secretary Benjamin Diokno nang imbitahan ito para sa tinatawag na Question hour para sagutin naman ang mga issue sa proposed 2019 National Budget.
Ito ay kasabay narin ng pagpapakita ng suporta ng mga miyembro ng Gabinete kay Diokno kung saan sinasabi ng mga ito na buo ang integridad ni Diokno at isang pambabastos ang ginawa ng ilang miyembro ng kamara sa Kalihim.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi na nila hahayaang maulit ang ganitong pangyayari at masasadlak sa kahihiyan ang isang miyembro ng gabinete o ang sinoman mula sa ehekutibo.
Paliwanag ni Panelo, kung magpapatuloy ito ay hindi nalang pupunta ang sinomang miyembro ng gabinete sa imbitasyon ng Kamara at sakaling magpunta ay agad na lalabas kung makararamdam ng pambabastos mula sa mga mambabatas.
Binigyang diin ni Panelo na iginalang ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng Kamara kung nasa Malacañang ang mga ito at inaasahan aniya ng Malacanang na igagalang din ng mga mambabatas ang mga miyembro ng executive department na nasa kanilang teritoryo.
Pero sinabi di naman ni Panelo na umaasa sila na hindi na ito mauulit at isang isolated case lamang ang nangyari kay Diokno.