Manila, Philippines – Hinikayat ng Palasyo ng Malacanang ang mga Duterte diehard Supporters o DDS na iprotesta sa Facebook ang pagpili nito sa Rappler bilang isa sa mga Third Party Fact Checkers sa mga lumalabas na balita sa Facebook.
Nabatid na bukod sa Rappler ay napili din ng Facebook ang Vera Files na magsala ng mga ipinopost ng mga Facebook users.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dapat ay ipakita ng mga DDS ang kanilang pagkontra sa hakbang ng Facebook at sabihin na mali ang kanilang napiling third party checker na sumusuri sa mga balita sa Facebook.
Binigyang diin ni Roque na mismong ang Rappler ang nagkakalat ng Fake news at hindi dapat pumayag ang mga DDS ito ang ang Vera Files ang magsasagawa ng fact checking.
Sinabi din ni Roque na maging siya ay nabiktima ng Fake News ng Rappler kung saan inilabas nito na sinabi niya na bawal magsagawa ng scientific research ang mga Pinoy sa Philippine Rice gayong ang sinabi niya ay maaari silang magsagawa ng research at hindi na kailangan pang kumuha ng permit.