Manila, Philippines – Pumalag ang ilang mga kongresista na nagnanais na maging Minorya sa Kamara sa pananatili pa rin ni Quezon Rep. Danilo Suarez na Minority Leader sa Mababang Kapulungan.
Bagamat viva voce ang naging botohan, iginiit nila Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas at Albay Rep. Edcel Lagman “on record” na negative at abstain ang kanilang boto para manatili si Suarez na Minority Leader.
Iginiit naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, isa sa nagnanais na maging Minority Leader sa Kamara, na hindi lamang lumikha kundi sinemento pa ng Kamara ang legal question sa pagkakatalaga kay Suarez na Minority Leader.
Sinabi naman dito ni ABS Partylist Rep. Eugene de Vera na tutol siya sa ginawa ng mayorya at direkta itong paglabag sa nakasaad sa preamble ng rules ng Kamara na mahigpit na susundin ang mga alituntunin ng Kapulungan.
Dagdag naman dito ni Anakppawis Rep. Ariel Casilao na negative din ang boto nilang mga mambabatas sa MAKABAYAN dahil kauna-unahan na nangyari sa kasaysayan ng Kongreso na itinalaga ng mayorya ang magiging lider ng Minorya sa Kamara.
Bagamat kanya-kanyang nagmanifest ng kanilang pagtutol ang mga kongresista, sa huli ay tinanggap na lamang nila ang naging resulta sa pananatili ni Suarez na Minority leader.