PUMALAG | Miyembro ng 1987 Constitutional Commission, tutol sa Cha-cha

Manila, Philippines – Tahasang pinalagan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang pagbabago ng Saligang Batas sa panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Naniniwala si Bishop Bacani, na miyembro rin ng 1987 Constitutional Commission, na hindi magiging malaya ang talakayan dahil na rin sa ugali ng Pangulo na isulong ang kanyang mga kagustuhan.

Nakababahala rin aniya na tuluyang mawalan ng kalayaan ang mga mamamayan na makapamili lalo na at kapansin-pansin ang karakter ng Pangulo na madaliin ang pagkuha sa kanyang mga nais.


Paliwanag pa ng Obispo, hindi ngayon ang tamang panahon para magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas.

Sa pinakahuling survey ng Simbahan noong Marso, 38 porsiyento ng mga Filipino ang sang-ayon sa Constitutional Convention na paraan sakaling amyendahan ang Saligang Batas, 21 porsiyento naman ang pabor sa Consitutional Assembly at 41 porsiyento naman ang nalilito at hindi pa makapagdesisyon sa paraan ng pagpapalit ng konstitusyon.

Facebook Comments