PUMALAG | Pagdawit sa ‘Tindig Pilipinas’ sa Red October Duterte Ouster Plot, pinalagan ng opposition Senators

Manila, Philippines – Pinalagan ng opposition Senators ang umano ay intelligence report na nakuha ng Armed Force of the Philippines kaugnay sa Red October Duterte Ouster Plot.

Binubuo umano ito ng komunistang grupo at mga kritiko ng administrasyong Duterte sa pangunguna ng Tindig Pilipinas, kung saan miyembro ang Liberal Party, Magdalo Group at iba pang cause-oriented groups.

Ayon kay LP President Senator Kiko Pangilinan, mapanganib ang nabanggit na intelligence report na batay sa kapraningan at haka-haka, at nandadamay pa ng mga walang-sala at mga kritikong nagpapahayag lang ng paniniwala at nagsusulong ng mga solusyon sa kahirapan.


Diin ni Pangilinan, walang kinalaman ang Partido Liberal sa anumang pakanang patalsikin o i-destabilize si Pangulong Rodrigo Duterte at tinutulan nila ang anumang aksyon na hindi ayon sa Saligang Batas.

Giit naman ni Senator Risa Hontiverso, ang patuloy na pagdamay sa oposisyon ay isang desperadong hakbang at pagtatakip na si pangulong duterte ay tunay na ‘destabilizer-in-chief.’

Inihayag naman ni Senator Antonio Trillanes IV na alam ng intelligence community na kahit kelan ay hindi sila makikipag-alyansa sa mga komunista.

Dagdag pa ni Trillanes, si Pangulong Duterte pa nga ang nasa panig ng mga komunista at patunay ang kanyang pagbibigay ng pwesto sa ilang mga dating kasapi ng rebeldeng grupo.

Facebook Comments