Manila, Philippines – Pumalag ang isang mambabatas sa pinalabas na desisyon ng Korte Suprema na nagtatanggal sa lengguwaheng Filipino bilang medium of instruction sa pagtuturo.
Sa isinagawang forum sa Maynila, sinabi ni Representative Salvador Belaro Jr. ng 1-Ang Edukasyon partylist na kailangan ang unifying language ng bansa tungo sa ikapagbubuklud-buklod ng mga mamamayan.
Ayon kay Belaro, Filipino aniya ang nasimulan na gamitin mula kinder hanggang sa kolehiyo bago pa man maisabatas ang K-12 law na nagtatakda naman ng mother tongue bilang paraan ng pagtuturo sa mga rehiyon na hindi epektibo dahil lalo lamang mahihirapan ang mga estudyante.
Mas kailangan aniya ngayon ang rationalization language policy na sa pamamagitan nito ang pangunahing lengguwaheng nakasanayan at nalalaman ng mga estudyante at guro gaya ng ingles at Filipino ang gagamitin sa mga silid-aralan.
Dagdag pa ni Belaro, kailangang panatilihin ang status quo bago sa pagtuturo sa mga paaralan bago pa ipatupad ang K-12 Program noong 2010.
Si Belaro ay vice chairman ng Higher and Technical Education Committee ng kasalukuyang Kongreso.