Manila, Philippines – Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na hindi pwede ang basta-bastang paggawa nila ng artificial islands at akuin na ng buo sa Pilipinas ang pinag-aagawang teritoryo.
Sa naging pahayag nito sa convention ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), pumalag din si Duterte sa napaulat na radio warnings at pagtaboy ng Chinese naval forces sa ating military aircraft na lumipad sa South China Sea kamakailan.
Ayon sa Pangulo, hindi porke’t kaibigan niya ang China ay uubra na itong gumawa ng mga aksyon laban sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng presidente na ang Pilipinas ay claimant din ng mga isla, pero hindi handa ang ating bansa na makipag-giyera.
Matatandaan na pinupuna si Pangulong Duterte sa kanyang relasyon sa China subalit ayon sa kaniya hindi ito nangangahulugan na hindi niya ipaglalaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nangako din si Duterte na igigiit niya ang UN arbitral ruling sa tamang panahon sa kanyang administrasyon.