PUMALAG | Umano’y illegal arrest sa kanilang consultant, kinundena ng NDFP

Manila, Philippines – Tahasang kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pag-aresto kay New People’s Army (NPA) Acting Secretary Rafael Baylosis.

Si Baylosis ay naaresto kahapon ng Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG-NCR) Sa Katipunan Road, Quezon City.

Sa kalatas na ipinalabas ng NDFP, nanindigan ito na illegal ang ginawang pag-aresto kay Baylosis at sa kasama nito dahil nilalabag umano ang isinasaad sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).


Nais ng NDFP na papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa paniniwalang valid pa ang peace agreement kung saan may immunity mula sa surveillance, harassment, search, arrest, detention, prosecution at interrogation ang mga peace consultants.

Kasunod nito nananawagan ang NDFP nang agarang pagpapalaya kay Baylosis at kanyang kasamang si Guillermo Roque.

Ang dalawa ay kasalukuyang nakaditene sa CIDG-NCR ng Camp Crame.

Sila ay naaresto makaraang ideklara ni Pangulong Duterte bilang terrorist organizations ang Communist Party of the Philippines (CPP), NPA, at NDFP noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Facebook Comments