Puna ng mga kritiko sa administrasyon, sandata ni Pangulong Duterte upang tumakbo bilang bise-presidente sa 2022 election

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections sa kabila ng mga natatanggap na puna mula sa kaniyang mga kritiko at mga babala na mahaharap sa patong-patong na kaso sakaling matapos ang kaniyang termino sa June 30, 2020.

Partikular na tinukoy ni Duterte sina dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Senator Antonio Trillanes IV na una nang ipinapanagot si Pangulong Duterte dahil sa mga naganap na patayan na may kinalaman sa droga at ang isyu sa West Philippine Sea.

Sa ginanap na General Assembly ng PDP-Laban kahapon, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya natatakot sa mga bantang kaniyang natatanggap.


May karapatan kasi aniya siya alinsunod sa batas na tumakbo sa ilang posisyon sa oras na matapos ang kaniyang termino.

Kasabay nito, muli namang binanatan ni Pangulong Duterte ang Rome Statute na lumikha ng International Criminal Court (ICC) dahil sa hindi nito pagiging parte sa domestic law.

Habang pinuna rin ng Pangulo si dating ICC prosecutor Fatou Bensouda dahil sa paghimok nito sa ICC na imbestigahan ang paglaban ng administrasyon sa droga kung saan marami ang nasawi.

Facebook Comments