PUNTIRYA | Agrikultura sa mga probinsiya na hindi binabagyo, pasisiglahin ng DA

Manila, Philippines – Puntirya ng Department of Agriculture na pasiglahin ang sektor ng agrikultura sa mga probinsiya na hindi dinadaanan ng bagyo.

Ayon kay DA Secretary Manny Piñol, tinutukoy na ng ahensya tauhan ang mga lalawigan na hindi sinasalanta ng bagyo upang mapagyaman ang larangan ng agrikultura dito.

Aniya, isa ang Tawi Tawi at Lanao del Sur na hindi binibisita ng bagyo kayat inaalam na ang mga pananim na pagyayamanin doon.


Sinabi ni Piñol na maganda ang uri ng lupa sa mga probinsiyang ito kayat malaki ang potensiyal na mapagyaman ang anumang uri ng pananim na pararamihin doon.

Maaari din aniyang magbukas ang DA ng rice fields sa mga probinsiyang ito upang dito mapalakas ang rice production.

Mas mainam anya na mapadami ang mga lugar na mapapagkunan ng suplay ng bigas para sa kapakanan ng mas maraming mamamayan.

Sa ngayon naman aniya ay sapat ang suplay ng bigas at hindi kukulangin ang bansa nito ngayong holiday season.

Facebook Comments